Kinatigan na rin sa plenaryo ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukala na magpapabilis sa proseso ng domestic adoption.
Sa viva voce voting ay inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 8998 o ang Domestic Adoption Act.
Layunin ng panukala na gawing simple at bawasan ang gastos sa proseso ng pag-aampon sa bansa sa ilalim ng hurisdiksyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Maglalatag din ng mga polisiya at rules para sa domestic administrative adoption at aalisin naman ang judicial phase ng pag-aampon na siyang isa sa dahilan ng mabagal na adoption process.
Ilan sa key provisions ng panukalang batas ang pagbibigay ng pre-adoption services ng Local Government Units (LGUs) at child caring agencies upang maiwasan ang separation o paghihiwalay ng anak sa biological parents nito.
Mayroon ding paiiralin na rules para sa kung sino ang pwedeng mag-adopt, sino ang aampunin, at kaninong consent ang kailangan para sa adoption.
Mahaharap naman sa mabigat na parusa ang sinumang mang-aabuso, manghihimasok, mang-iimpluwensya, at mamemeke ng dokumento ng adoption process.