Itinuturing ni Vice President Leni Robredo na ang white sand project sa Manila Bay ay isang ‘misplaced priority’ ng pamahalaan ngayong kinahaharap pa rin ng bansa ang COVID-19 pandemic.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, pinuna ni Robredo ang paggastos ng pamahalaan ng ₱349 million para sa proyekto gayung paulit-ulit na sinasabi na walang pondo ang gobyerno para sa COVID-19 response.
Para kay Robredo, napaka-insensitive na gawin ang proyekto lalo na at marami ang naghihirap ngayong pandemya.
Iminungkahi ng Bise Presidente na bigyan ang nasa 10 milyong mahihirap na Pilipino ng buwanang cash aid na nasa ₱5,000 para sila ay makabangon mula sa krisis.
Dagdag pa ni Robredo, ang milyu-milyong pisong pondo na gagamitin sa proyekto ay mahalagang ilaan na lamang sa mga pamilyang nangangailangan.
Una nang nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang white sand ay mula sa dinurong at pininong ‘dolomite boulders’ sa Cebu.
Bahagi ito ng Manila Bay Rehabilitation Program na inilunsad ng DENR noong nakaraang taon na nagkakahalaga ₱400 million.