Isinusulong ni Senator Mark Villar ang pagpapahusay ng healthcare services para sa mga buntis kasunod na rin ng pagtaas ng maternal mortality rate ngayong taon.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang pagkasawi ng mga ina dahil sa panganganak ang tumataas na bilang ngayon ng mga maternal deaths sa unang semestre ng taon.
Sa Senate Bill 1416 na inihain ni Villar, layunin na mapagbuti ang healthcare services sa mga ina bago, habang at pagkatapos ng kanilang pagbubuntis at para mabawasan din ang maternal mortality rate sa bansa.
Tinitiyak ng panukalang batas ang kalusugan at kapakanan ng mga kababaihan sa buong panahon ng kanilang pagbubuntis hanggang sa panganganak.
Sa ilalim ng panukala ay dapat hikayatin ng mga Local Government Unit (LGU) ang pagkakaroon ng facility-based delivery sa kanilang mga lugar.
Hindi rin dapat tanggihan ng serbisyo ng mga maternal hospital, clinic, health center, lying-in, midwifery facility, o kahalintulad na center, pampubliko o pribado man, ang mga buntis na nakatakdang manganak na.
Binibigyang mandato ang mga LGU na i-upgrade at pagbutihin ang na-devolved o nailipat na health services at medical facilities para maibigay sa mga buntis ang de kalidad na emergency obstetric care (EMOC).