Iginiit ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan sa Philippine National Police (PNP) na pahusayin ang edukasyon at pagsasanay para sa mga pulis.
Mungkahi ito ni Yamsuan, sa gitna ng mga akusasyon ng pagsablay at iregularidad na nagagawa umano ng mga pulis dahil kawalan nila ng sapat na kaalaman sa pagkakasa ng mga operasyon tulad ng drug buy-bust, illegal arrests, entrapments at iba pang operational procedures.
Ikina-alarma pa ni Yamsuan, ang pag-amin sa pagdinig ng ilang pulis na kahit minsan ay hindi sila sumailalim sa retraining o refresher course kaugnay sa Police Operational Procedures (POP) simula ng sila ay maging miyembro ng PNP.
Sa pagbusisi sa panukalang pondo na nakalaan sa PNP para sa susunod na taon ay napuna ni Yamsuan ang ₱1.26-B na inilaan nito para sa education and training ng kapulisan na mas mababa ng 15% mula sa pondo nitong ngayong 2023 na ₱1.47-B.
Ikinadisyama rin ni Yamsuan ang report ng Department of Justice (DOJ) na halos 80% ng mga kaso na isinasampa ng mga prosecutors ay nababasura dahil kulang o mahinang ebidensya o bunga ng teknikalidad.
Bunsod nito ay tiniyak ni Yamsuan na susuportahan niya ang pangangailangan ng PNP na magkaroon ng dagdag na pondo para sa ipatutupad na police education program sa susunod na taon.