Pagpapahusay sa pangongolekta ng buwis sa halip na ‘rightsizing’ sa pamahalaan, iginiit ng isang kongresista

Iminungkahi ni ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro sa Department of Budget and Management (DBM) na kung kailangan talaga ng pera ng gobyerno ay paghusayin dapat ang pangongolekta sa buwis at hindi ang isinusulong na ‘rightsizing’ sa pamahalaan.

Aniya, dahil sa sa kagustuhang makatipid ang pamahalaan ng ₱14 billion, batid umano ng DBM na ang itinutulak na “rightsizing” o pagbabawas ng mga empleyado ay makakaapekto sa 2 milyong government employees.

Inirekomenda ni Castro na kung talagang kailangan ng gobyerno ng pera ay dapat na atupagin ang paniningil sa ₱203-B na utang ng pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Dagdag din sa pagpapataas ng kita ng pamahalaan ay ang pagpapaigting pa sa tax collection at paghahabol sa ‘tax evaders’ at hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Inihirit din ng mambabatas ang pagsasabatas sa ‘wealth tax’ na makatutulong ng malaki para makalikom ng pondo ang gobyerno gayundin ang pagpapasuspinde sa CREATE Law o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises kung saan ₱250-B na ang nawalang kita sa pamahalaan dahil sa batas na ito.

Giit ni Castro, ang ipatutupad na “rightsizing” sa pamahalaan ay magreresulta sa malawakang pagsibak sa trabaho, retrenchment, displacement at posibleng paglala ng kontraktwalisasyon sa pamahalaan.

Facebook Comments