Pagpapaigting ng police visibility, ipapatupad ng PNP ngayong “ber” months

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa lahat ng mga pulis na paigtingin ang kanilang presensya sa mga pampublikong lugar tulad ng malls at shopping center ngayong nagsimula na ang “ber” months.

Ang utos ni Eleazar ay kaugnay sa pagsisimula ng “ber” months, hudyat din ng pagsisimula ng panahon ng kapaskuhan sa Pilipinas kung saan maraming tao ang lumalabas ng kanilang bahay.

Sinabi ni PNP chief, dahil sa hindi pangkaraniwang sitwasyon dulot ng COVID-19 pandemic, nais ni Eleazar na matiyak na nasusunod ng publiko ang minimum public health standards lalo na sa mga shopping center at iba pang matataong lugar.


Dagdag pa ni Pol. Gen. Eleazar na kadalasang tumataas ang antas ng krimen tuwing holiday season kaya’t dapat paigtingin ng mga pulis ang kanilang presensya para mapigilan ang mga kawatan sa kanilang masasamang balak.

Panawagan naman ni PNP chief sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad lalo na sa patuloy na pagpapatupad ng mga panuntunan ngayong may pandemya.

Facebook Comments