Pagpapaigting ng seguridad sa mga paaralan sa QC, ipinag-utos ni Mayor Belmonte

Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong eskwelahan sa lungsod.

Kasunod ito ng insidente ng pananaksak ng isang estudyante sa kapwa nito mag-aaral sa Culiat High School noong mga nakaraang linggo.

Ayon sa alkalde, habang itinuturing itong isolated case ay binigyang-diin ng insidente ang pangangailangang magkaroon ng karagdagang security interventions sa mga paaralan.


Dagdag niya, magsasagawa rin ng random security checks para masiguro ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.

Kaugnay nito, magkakaroon din ng mga preemptive measures gaya ng paglalagay ng mga karagdagang CCTV cameras sa mga paaralan, values formation programs at pagha-hire ng mga karagdagang guidance counselors.

Inatasan din ni Belmonte ang mga barangay na magmungkahi at magpondo ng mga programa para sa mga out-of-school youth (OSY) dahil karamihan sa mga kaso na kinasasangkutan ng children in conflict with the law (CICL) sa lungsod ay ginagawa ng OSY.

Batay sa datos na isinumite ng QCPD, karamihan sa mga kaso na kinasasangkutan ng CICL noong nakaraang taon ay panggagahasa at pagnanakaw.

Nakasaad din sa ulat na 87.5 percent ng mga krimen ay ginawa ng mga CICL na edad 15 hanggang 17 taong gulang.

Facebook Comments