Pagpapaigting ng ugnayan sa private sectors at stakeholders, iginiit ng isang senador para hindi masayang ang mga COVID-19 vaccines

Hinimok ni Senate Committee on Health Chair Christopher “Bong” Go ang pamahalaan na patuloy pang paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor at sa mga stakeholder upang hindi masayang ang mga bakuna at booster laban sa COVID-19.

Hirit ng senador na ipagpatuloy ang ‘collaborative efforts’ nito sa lahat ng sektor upang matiyak na ang mga COVID-19 vaccine at booster shot ay makararating sa mga taong higit na nangangailangan at maiwawasan ang tuluyang pagka-expire ng mga ito.

Umaapela rin si Go sa national government katuwang ang mga lokal na pamahalaan, community leaders at private sector na palakasin pa ang kanilang pagkilos sa panghihikayat sa lahat na magpaturok na ng booster shots nang sa gayon ay mapanatiling ligtas ang mga komunidad.


Nanawagan din si Go sa publiko na huwag magpaka-kampante sa kabila ng umaayos na sitwasyon sa pandemya lalo’t naririyan pa rin ang virus na COVID-19.

Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan ang senador na agad ikakasa ang imbestigasyon sa inihaing resolusyon ni Senator Risa Hontiveros patungkol sa mga expired at hindi nagamit na COVID-19 vaccines at booster sa oras na mai-refer ito sa kanyang komite.

Facebook Comments