Iginiit ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda sa isinumiteng 70-pahinang report kay Pangulong Rodrigo Duterte na mahalagang paigtingin ang test, trace, isolate at treat approach sa COVID-19 habang unti-unting ipinapatuoad ang pagluwag ng mga restrictions sa mga komunidad sa maraming lugar sa bansa.
Ayon kay Salceda, kailangan na ng ibang tools o paraan para masawata ang COVID-19 bukod sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil patuloy na naaapektuhan nito ang lagay ng ekonomiya ng bansa.
Naniniwala ito na ang mas komprehensibo at mabilis na pagsasagawa ng tracing at testing ay mas malaki ang positibong impact na hatid para mabawasan at mapabagal ang pagkalat ng Coronavirus disease.
Bukod dito, masasabi na ring handa na ang bansa para sa General Community Quarantine (GCQ) dahil habang nasa ilalim ng ECQ ang maraming lugar ay mas napagtuunan ang kalusugan, nagbago na rin ang social behavior at naging mas maingat din ang mga Pilipino laban sa sakit.
Sa pamamagitan aniya ng exhaustive tracing at testing ay magkakaroon ng aktibong paghahanap ng mga positibong kaso ng COVID-19 at pagsasailalim sa test ng lahat ng mga posibleng naging contacts hanggang sa umabot ng 90% ang isolation ng mga possible cases.
Binigyang diin pa ni Salceda na ang mga bansang kabilang sa top countries na napagtagumpayan na mapababa ang kaso ng COVID-19 cases ay dahil sa mataas na bilang ng tests na ginawa.
Para mangyari ito sa Pilipinas, mangangailangan aniya ng 48,000 tests kada araw o 1.4 million na tests sa loob ng susunod na 30 araw.