Muling inihirit at tinalakay sa Kamara ang pagpapaikli sa panahon ng quarantine period sa gitna na rin ng pagtalakay sa budget ng Department of Tourism (DOT).
Ayon kay Appropriations Committee Vice Chairman Jack Duavit, sponsor ng budget ng DOT sa Kamara, bukod sa mga programa at suporta sa tourism sector ay malaking tulong kung mapapaikli ang quarantine period upang makabangon ang industriya ng turismo.
Sinang-ayunan ni Duavit ang pahayag ni ACT-TEACHERS Party-list Rep. France Castro na dapat nang baguhin at luwagan ang quarantine procedures ng bansa lalo na para sa mga turista.
Maaari rin aniyang gawin itong insentibo upang mas mahikayat ang taumbayan na magpabakuna na.
Isa sa inihihirit ni Castro ay mula sa 14-day quarantine, paikliin ito ng hanggang tatlong araw na lamang.
Samantala, aabot naman sa P3.5 billion ang proposed 2022 budget ng DOT.