Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Captain Rigor Pamittan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, kinumpirma nito na walang nakitang bangkay ang kanilang tropa sa lugar kung saan isinagawa ang pagpapasabog sa mga lugar na ginagalawan ng mga rebelde lalo na sa Hilagang bahagi ng Lalawigan ng Cagayan.
Bukod aniya dito ang magkakasunod na pagkakarekober ng militar sa mga armas, gamit at inimbak na pagkain ng mga NPA pagkatapos ng mga nangyaring engkwentro.
Ito ay sa tulong na rin ng mga concerned citizen sa lugar kung kaya’y nakumpiska ang mga gamit pandigma at itinagong pagkain ng mga rebelde.
Ayon kay Capt. Pamittan, sumisimbolo lamang aniya ito na talagang ayaw na ng mga mamamayan sa mga NPA na umaaligid sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, lumiliit pa lalo ang ginagalawan ng mga makakaliwang grupo sa hilagang bahagi ng Cagayan at hirap din ang mga ito na makalapit sa mga kabahayan para sa kanilang extortion at recruitment activity dahil na rin sa maigting na presensya ng kasundaluhan.
Malaki rin aniya ang naging epekto ng kanilang ginawang operasyon sa Gonzaga, Cagayan dahil lalo pang ipinakita ng mga residente sa lugar ang kanilang suporta sa kasundaluhan.
Samantala, muling hinimok ng opisyal ang mga nalalabi pang rebelde na magbalik-loob na sa pamahalaan at maging benepisyaryo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng pamahalaan.