Batid ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang banta nito na ipaaresto mga senador.
Ito ay oras na may ipa-contempt na miyembro ng gabinete sa ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa nakikitang iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng multi-bilyong pisong medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Giit ni Lacson, hindi pwedeng magpakulong ng senador o kahit sinong tao ang pangulo.
Paliwanag ni Lacson, korte lang ang maaaring mag-isyu ng warrant of arrest alinsunod sa rule of law sa ilalim ng Rule 113 ng Rules of Court patungkol sa citizen’s arrest.
Diin ni Lacson, abogado si Pangulong Duterte kaya dapat ay alam nito ang batas.
Sabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, hindi dapat pagtakpan at ilihis ang usapin ukol sa nakikitang anomalya sa mga transaksyon ng pamahalaan sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay Pangilinan, ang dapat ipaaresto at ipakulong ay ang mga lumilitaw na nangurakot sa bilyong pisong pondo na pantugon sa COVID-19 pandemic na ngayon ay mayroong mga mamahaling sasakyan tulad ng Lamborghini at Porsche habang milyon ang nagkakasakit at nagugutom at libu-libo ang namamatay.