Natanggap na kahapon ng Department of Budget and Management o DBM ang opisyal na letter request ng Department of Transportation (DOTr) sa pag-iisyu ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) para sa fuel subsidy program, maging ang Joint Memorandum Circular (JMC) at ang Memorandum of Agreement para sa pagpapatupad ng programa.
Kaya naman sa ngayon ay pino-proseso na ng DBM ang paglalabas ng tatlong bilyong pisong pondong fuel subsidy batay na rin sa Fiscal Year 2023 General Appropriations Act.
Layunin ng programa na tulungan ang sektor ng transportasyon na apektado ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.
Ilan sa makikinabang sa programa ay ang mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs), taxi, tricycle, maging ang mga full-time ride-hailing at delivery services na mga drayber sa buong bansa.
Batay pa sa ulat ng DBM, mayroong 1.36 milyong transport operators at mga drayber ang makikinabang sa subsidiyang ito.
Ilan sa mga ito ang 280,000 public utility vehicles, 930,000 tricycles, at 150,000 units na may kinalaman sa delivery services.