Pagpapalakas ng batas laban sa red tape at dagdag na budget para dito, hiniling ng ilang mambabatas

Pinadagdagan ng ngipin ang batas para sa anti-red tape gayundin ang budget para dito.

Iginiit ni Appropriations Committee Vice Chairman at Northern Samar Representative Paul Daza na kung gusto talagang masawata ang red tape sa burukrasya ay dapat na dagdagan ang ngipin ng batas laban sa red tape at dagdagan ang pondo ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Hindi aniya kailangan na bumuo muli ng isang panibagong batas para lamang masugpo ang red tape sa pamahalaan.


Partikular na hiniling ni Daza na palakasin at amyendahan ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act o ang Republic Act 11032 at itaas ang pondo ng ARTA upang epektibong masupil nito ang mga lumalabag sa pamahalaan.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, ang ARTA ay taga-rekomenda lamang ng pagpapasimple at pagpapabilis sa proseso at transaksyon sa gobyerno pero hindi naman ito ginawang mandatory sa mga ahensya gayundin ay wala ring kapangyarihan ang batas na magpataw ng parusa sa mga tiwaling opisyal.

Inirekomenda ng mambabatas na gawing mandatory ang pag-streamline sa transaksyon ng mga ahensya ng gobyerno at iminungkahi na parusahan ang sinumang opisyal na hindi susunod dito.

Facebook Comments