Panawagan ni Dagupan City Councilor Atty. Joey Tamayo na mapondohan ang pagpapalakas ng DSWD Financial Assistance Program sa Dagupan City para sa mga indigent na residente.
Ayon sa panayam ng IFM News Team sa konsehal, isa sa mga pangunahing hinaing ng mga Dagupeño ang hirap sa pagkuha ng burial assistance dahil kinakailangan pa nilang magpunta sa ibang bayan para sa naturang serbisyo.
Ani Tamayo, isa sa mga dahilan ng problemang ito ng mga residente ay ang kakulangan sa nakalaang pondo.
Dagdag pa niya, magiging mas madali para sa mga residente ang pag-access sa serbisyong panlipunan kung magkakaroon ng DSWD Satellite Office sa Dagupan City, lalo na para sa mga nangangailangan ng agarang tulong.
Sa kabila nito, sinabi ng konsehal na patuloy namang nagbibigay ng tulong ang pamahalaang lungsod para sa burial assistance bilang pansamantalang solusyon habang hinihintay ang pondong ibababa mula sa pambansang pamahalaan.








