Pagpapalakas ng mga hakbang para makontrol ang inflation rate sa mga susunod pang buwan, tiniyak ni PBBM

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na palalakasin pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito para makontrol ang inflation o bilis ng pagtaas ng bilihin at serbisyo.

Ito ay kasunod ng naitalang 2.8% na inflation rate ngayong January 2024, na pinakamababang naitala mula noong Ocotber 2023.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng proactive measures ng pamahalaan ay mananatili pa ring kontrolado ang inflation sa mga susunod na buwan.


Partikular ang implementasyon ng National Adaptation Plan at reactivation ng Task Force El Niño.

Dagdag pa ng pangulo na malaki rin ang maitutulong sa pagkontrol ng inflation ang nilagdaang kasunduan ng Pilipinas at Vietnam na pagsusuplay ng 20 metrikong tonelada ng bigas kada taon, sa loob ng limang taon.

Ibinida rin ni Pangulong Marcos ang ipinatupad na diskwento sa kuryente para sa mga low income household, para maibsan ang hirap ng mga Pilipino sa mga bayarin sa serbisyo.

Facebook Comments