Tiniyak ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na determinado siyang palakasin pa ang magandang relasyon sa pagitan nang iba’t ibang mga bansa.
Ito ay upang makatulong sa pagkaroon ng pagbabago sa ekonomiya ng bansa, mabilis makarekober sa epekto ng pandemya at magkaroon ng balance, matibay at bagong global environment.
Ang pagtiyak ay ginawa ng pangulo sa isinagawang Vin d’Honneur sa National Museum kanina.
Sinabi pa ng pangulo, napag-usapan din sa ginanap na Vin d’Honneur ang pagharap sa epekto ng climate change.
Naniniwala ang pangulo na lahat ng ambassadors at representatives mula sa iba’t ibang bansa ay kinakailangang magtulungan para sa mitigation at adaptation dahil sa climate change.
Mahalaga aniya itong matutukan dahil pinaka bulnerable ang bansa sa epekto ng climate change.
Samantala, mamaya ay dadaluhan ni Pangulong BBM ang inaugural dinner sa Palasyo ng Malacañang.