Pagpapalakas ng ‘railway system’ ng bansa, iginiit ng isang senador

Hiniling ni Senator JV Ejercito ang suporta ng Senado para sa pagpapalakas sa ‘railway system’ ng bansa.

Tinukoy ni Estrada sa kanyang privilege speech ang epekto ng kakulangan sa ‘mass transport system’ sa bansa na matinding nakaapekto hindi lamang sa pang-araw-araw na biyahe ng commuters kundi pati na sa ekonomiya ng bansa.

Ipinunto ng senador ang huling report ng Japan International Cooperation Agency o JICA kung saan naitala na P3.5 billion kada araw ang nawawala sa bansa dahil sa matinding traffic at kawalan ng maayos na pampublikong transportasyon at posible pa itong umakyat sa P5.4 billion sa 2035 kapag hindi pa rin naresolba.


Umapela si Estrada na tulungan ang Marcos administration na madagdagan pa ang 161 kilometrong railway sa bansa at silipin ang estado ng railway projects para masolusyonan ang backlogs na nagiging dahilan sa pagkaantala ng implementasyon ng proyekto.

Inihirit ng senador ang pagsuporta sa kanyang Senate Bill 158 o ang pagbuo at pag-institutionalize ng Comprehensive Infrastructure Development Masterplan, Senate Resolution 64 o ang pagbusisi sa implementasyon ng iba’t ibang government railway projects, at Senate Bill 165 o ang pagtatatag ng agri-food terminals at trading centers na inaasahang magiging bahagi ng economic hubs sa bawat railway stations.

Kabilang naman sa ongoing railway projects ng Department of Transportation (DOTR) ang Light Rail Transit o LRT 1-Cavite Extension, Metro Rail Transit (MRT-7), Metro Manila Subway Project (MMSP), North-South Commuter Railway (NSCR), Mindanao Railway Network Phase 1, LRT-2 West extension Project, MRT-4 Project at Subic Clark Railway Project.

Facebook Comments