Hinimok ng Gabriela Partylist ang pamahalaan na mag-focus sa pagpapataas pa ng vaccination drive sa labas ng National Capital Region (NCR) at maglaan pa ng dagdag na pondo para sa public health.
Ang panawagan na ito ay bunsod na rin ng bagong banta ng Omicron COVID-19 variant na naitala na sa ibang mga bansa.
Naniniwala ang mambabatas na bakuna pa rin ang pinakaepektibong pandepensa bukod sa pagpapalakas ng public health system kaya ngayon pa lamang ay dapat mabakunahan na ang marami sa mga nasa labas ng Metro Manila at mga nasa probinsya.
Para sa Gabriela, kailangang matiyak din ng pamahalaan na may malaking pondo o alokasyon para sa libreng COVID-19 tests, vaccines, contact tracing, genome sequencing at public health facilities upang agad na ma-detect at makontrol ang bagong variant.
Inirekomenda ng grupo na kunin ang dagdag na pondo para sa health services sa budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at gawing 10% ng Gross Domestic Product (GDP) ang pondo para sa public health system upang masigurong may laban tayo sa Omicron variant.