Maghahain ng panukala si Senior Deputy Minority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin na magpapalakas sa forensic pathology ng bansa.
Kasunod ito ng pagbibigay ng mga otoridad ng pahayag sa media sa kaso ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera gayong wala pang maayos na autopsy findings at forensic pathology investigation na isinagawa.
Sinabi ni Garin na sa bansa ay dadalawa lamang ang forensic pathologist at kulang talaga tayo pagdating sa maayos na death investigation system.
Giit ng mambabatas, hindi dapat naglalabas ang Philippine National Police (PNP) ng premature statement sa media lalo pa’t walang matibay na pruweba at haka-haka pa lamang.
Bukod sa kapabayaan at mali ang hakbang na ito sa panig ng PNP, nawala rin ang konsepto ng “innocent until proven guilty” at dinala na agad ang kaso sa aniya’y “court of public opinion”.
Kaugnay rito ay maghahain si Garin ng bill na lilikha ng death investigation system at panukala na magbibigay suporta para sa pinalakas na forensic pathology sa bansa.
Sakaling maging ganap na batas ay umaasa si Garin na mas maraming krimen o kaso ang mabibigyan ng tamang impormasyon at agad na mareresolba.