Hinimok ni Ways and Means Chairman Joey Salceda na palakasin pa ang agriculture sector ng bansa.
Kasunod ito ng babala ng International Monetary Fund (IMF) na ang mga umuusbong na ekonomiya tulad ng Pilipinas ay mahaharap sa “economic turbulence” bunsod na rin ng mga developments sa monetary policy ng Estados Unidos at pagtaas ng kaso ng Omicron variant.
Giit ni Salceda na dapat paghandaan ito ng pamahalaan at naniniwala siyang ang depensa ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa matatag at malakas na sektor ng agrikultura.
Agad na pinapatrabaho ng mambabatas sa Kongreso ang pagpapabilis sa rollout ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), pagpapahusay ng biosafety sa agricultural imports, pagtiyak sa implementasyon ng rice farmers financial assistance program at pagsisimula ng subsidy program para sa inorganic fertilizers.
Ilan pa sa mga ilalatag ng kongresista sa mga huling buwan ng termino ng Duterte administration ang policy reforms para i-modernisa ang pagsasaka at pangingisda, isulong ang sustainable forestry at ibaba ang presyo ng feeds at fertilizers o abono.