Pagpapalawak ng coverage sa “compulsory insurance” ng OFWs, lusot na sa Kamara

Aprubado na sa Kamara ang panukala na nagpapalawak sa coverage o sakop ng “compulsory insurance” ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa botong 180 na sang-ayon at anim na tutol ay napagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10802 na nag-aamyenda sa Republic Act 8042 o “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995”.

Sa ilalim ng panukala ay gagawing mandatory ang insurance coverage sa lahat ng OFWs kahit sa paanong pamamaraan pa nakuha ang kanilang employment sa abroad basta’t ito ay ligal.


Kasama sa pinalawak na coverage ng compulsory insurance ang OFWs na agency-hired, kasama rito ang rehires, direct-hires, gayundin ang government-hires.

Isasama na rin sa listahan ng benepisyo ng OFWs ang “temporary partial disablement”.

Inaatasan naman ang Insurance Commission, Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at National Labor Relations na pag-aralan ding isama sa insurance ang repatriation benefits na dulot naman ng epidemya, pandemya, gyera, civil disturbance, kaguluhan at kalamidad na gawa ng tao at kalikasan.

Kasama rin sa panukala ang mas maayos na “money claims” ng OFWs sa pamamagitan ng single-entry approach na pinagtibay naman sa ilalim ng Republic Act 10396.

Facebook Comments