Taguig City – Humihingi ng pang-unawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga maaapektuhang motorista kaugnay sa pagsisimula ng pagpapaluwag ng Fort Bonifacio – Nichols Road Phase 1 o mas kilala bilang Lawton Avenue, malapit sa intersection ng Bayani Road at West McKinley sa Taguig City.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, ang Lawton Avenue project ay kabilang sa mga hakbang ng DPWH para sa traffic decongestion sa pamamagitan ng pagpapaluwag ng mga kalsada, at bahagi pa rin ito ng Build Build Build Program ng Administrasyong Duterte, ngunit sa kasalukuyan aniya ay pagpasensyahan muna ang pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Ang proyektong ito rin aniya ay karugtong ng konstruksyon ng BGC – Ortigas Center Link road Project na una nang sinimulan noong nakaraang buwan, na magdurugtong sa Lawton Avenue sa Makati at Sta. Monica St. sa Pasig.
Ayon kay Villar, sa oras na matapos ang nasabing mga proyekto, bukod sa makakatulong ito sa pagbawas ng mga dumadaan sa EDSA, magiging madali na rin ang pagpunta sa mga siyudad ng Taguig, Pasig, Makati at Mandaluyong.