Pagpapalawak ng travel ban at mas mahigpit na health measures, ipinanawagan ng isang kongresista

Umapela si Committee on Health Chairperson at Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan na maging alisto ang pamahalaan at publiko ngayong may panibagong banta ng Omicron variant ng COVID-19.

Bagama’t hindi pa nakakapasok sa bansa, inihirit na ni Tan sa Department of Health (DOH) na palawakin pa ang travel ban lalo na sa mga bansang may naitalang kumpirmadong kaso ng bagong variant ng sakit.

Dapat na aniyang pag-aralan ng ahensya ang expansion ng travel ban at paigtingin pa ang pagpapatupad ng quarantine measures na idedepende naman sa bansang pinagmulan.


Dahil ang laban sa COVID-19 ay responsibilidad ng lahat, hinihimok din ng mambabatas ang publiko na palakasin pa ang health at social protocols.

Nanawagan din ang kongresista na pag-ibayuhin pa ang vaccination coverage ng gobyerno at umapela rin ito na magpabakuna na ang mga hindi pa nagpapabakuna upang maprotektahan ang kanilang mga sarili at mga pamilya.

Facebook Comments