Pagpapalawig ng state of emergency sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic, inirekomenda ng grupo ng mga pribadong ospital hanggang sa susunod na taon!

Dapat palawigin pa ang umiiral na state of emergency sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito ay inirekomenda ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) sa pamahalaan kasunod ng pagtatapos ng state of emergency sa Disyembre 31, 2022.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PHAPi President Dr. Jose Rene de Grano na dapat palawigin pa ito hanggang sa unang kwarter ng 2023.


Hindi dapat aniya maging kampante ang publiko sa nakikitang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa lalo na’t ngayong holiday season.

Pinalawig kasi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang national state of emergency hanggang ngayong taon dahil sa mga benepisyong hindi pa naibibigay sa mga healthcare worker gaya ng emergency procurement at special risk allowance (SRA).

Samantala, kinumpirma rin ni Dr. De Grano na nananatiling mababa pa rin ang COVID-19 utilization rate sa mga pribadong hospital.

Ayon pa kay Dr. De Grano, lahat ng rehiyon ay nasa low risk category maliban lang sa Western at Central Visayas na nakapagtala ng mataas na kaso ng sakit.

Facebook Comments