Pabor si University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Emergency Medicine Department Chairman at Professor Dr. Ted Hebosa sa posisyon ng Department of Health (DOH) na palawigin pa ang state of public health emergency sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Herbosa na dapat tandaan na mayroon pang pandemya dulot ng COVID-19 at kailangang magpatuloy ang state of public health emergency para makaresponde ng mabilis at nararapat ang pamahalaan.
Paliwanag din ni Herbosa, sailalim kasi ng state of public health emergency ay patuloy na iiral ang Emergency Use Authorization (EUA) sa mga bagong gamot at bakuna kontra COVID-19 para mabilis ang bansa na makakuha ng suplay.
Kapag aniya kasi tinanggal na ang state of public health emergency ay mawawala na rin ang bisa ng EUA at ang kailangan ng Certificate of Product Registration (CPR) ang mga vaccine manufacturer.
Ibig sabihin nito, hindi na ito libreng maibibigay ng gobyerno, kundi bibilhin na ng publiko sa mga drugstore.
Dagdag pa ni Herbosa, kasabay ng pagpapalawig sa state of public health emergency ay kailangan din na mapataas ang antas ng booster shot sa bansa lalo na’t isa ang Pilipinas sa Asya na may pinakamababang bilang ng mga naturukan ng booster dose.
Matatandaang, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na posileng pahabain niya ang state of public health emergency hanggang sa katapusan ng taon.
Tatagal lang sana ang state of public health emergency ng hanggang September 2020, pero dalawang beses na na-extend at nakatakda nang mapaso sa darating na September 12.