Kumpyansa si Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred delos Santos na maisasabatas sa lalong madaling panahon ang panukala na pagpapalawig para sa benepisyo ng mga solo parent matapos itong maaprubahan sa ikalawang pagbasa.
Ayon kay Delos Santos, umaasa siyang maisasabatas agad ang panukala na mag-aamyenda sa Solo Parents Welfare Act.
Aniya, ito ay dahil maraming Pilipino lalo na ang mga solo parents ang suportado ang bill na ang pangunahing right at duty ay pangalagaan at maitaguyod ang mga anak.
Sa ilalim ng House Bill 8097 ay mabibigyan ng leave with pay ang mga empleyado na solo parents anuman ang kanilang employment status, scholarship programs para sa non-formal education program gayundin ay mabebenepisyuhan ng full scholarship ang mga anak.
Ipaprayoridad din ang mga solo parents at mga anak sa livelihood, training at poverty alleviation programs.
Tinitiyak din ng panukala na mabigyan ang mga solo parents ng tulong sa panahon ng kalamidad at diskwento rin sa ilang mga pangunahing serbisyo at bilihin.
Tiwala si Delos Santos na sa oras na maamyendahan ang batas ay magkakaroon ng laban ang mga solo parents para mabuhay ng marangal at magampanan ang tungkulin sa mga anak.