Pagpapalawig sa floating status ng mga manggagawa, ikinadismaya ni Sen. Hontiveros

Dismayado si Senator Risa Hontiveros na pinalawig pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kautusan nitong nagpapahintulot na ilagay sa floating status ang mga manggagawa ngayong may pandemya.

Diin ni Hontiveros, napakatagal na ng anim na buwang naka-floating status ang mga manggagawa kung saan marami na silang isinakripisyo tulad ng mga anak na napilitang tumigil sa pag-aaral at pamilyang nagutom.

Giit ni Hontiveros sa DOLE, pag-isipan nang husto at pag-aralan ang implikasyon ng kautusang ito sa mga manggagawa gaya ng posibleng pagbuwag sa mga unyon at pagkawala ng benepisyo ng empleyado.


Hiniling din ni Hontiveros sa DOLE na dagdagan ang safeguard mechanisms nito laban sa posibleng pag-abuso ng ilang mga employers.

Ngayong unti-unti nang nagbubukas ang ekonomiya ay iminungkahi ni Hontiveros na ipagpatuloy ang skeletal work schedule o kaya ay mas konting araw ng trabaho para kahit papaano ay may sweldo pa rin ang mga empleyado.

Umapela rin si Hontiveros ng tulong para makabangon ang mga maliliit na negosyante sa halip na magsara at mawalan ng trabaho ang kanilang mga empleyado.

Facebook Comments