Pag-aaralan ng Energy Regulatory Commission o ERC at ng Manila Electric Company o MERALCO ang hiling na pagpapalawig sa installment-based payment scheme ng power consumers.
Inihayag ito ng ERC at MERALCO sa pagdinig ng Committee on Energy na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ukol sa midstream natural gas industry.
Sa hearing ay tinanong ni Risa Hontiveros kung maaari bang palawigin ang pagbabayad ng hulugan sa electric bills upang hindi maputulan ng kuryente ang mga consumers na hirap makabayad.
Inusisa ito ni Hontiveros makaraang magsimula ng magpadala ang MERALCO ng disconnection notice sa mga consumer nitong kumokonsumo ng 201 kilowatt-hour at higit pa kada buwan na hindi nakakabayad.
Ayon kay ERC Director Sharon Montañer, patuloy nilang pinag-aaralan ang sitwasyon sabay diin na pwedeng palawigin ng distribution utilities ang no disconnection policy kaugnay sa kanilang advisory noong nakaraang taon.
Tiniyak naman ni MERALCO Vice President for Utility Economics Lawrence Fernandez na sinusunod nila ang ERC Advisory at sa katunayan ay kusa nilang pinalawig ang deadline ng disconnection.
“We will consider. We will study the suggestion to extend payment terms of our customers. We just have to note that out of the total bill actual distribution portion goes to MERALCO, the rest pass through charges which we have to settle in full and on time” pahayag ni Fernandez.
Umaasa si Hontiveros na pagbibigyan ng MERALCO ang hiling na extension ng installment scheme dahil kung hindi ay baka maging disconnected nation ang Pilipinas dahil marami ang hindi pa makabayad ng buo ng kuryente dulot ng paghihirap bunga ng pandemya.