Pagpapalawig sa Malampaya project at pagtiyak sa energy security, itinutulak ng power bloc sa Kamara

Isinusulong ng mga kongresista mula sa ‘power bloc’ ang pagpapalawig sa gas-to-power project ng Malampaya gayundin ay ipinasisilip ang national security issues na nakakaapekto sa energy security ng bansa.

Sa inihaing House Resolution 1063, tinukoy na isang reliable at cost -effective source ng enerhiya sa Pilipinas ang natural gas mula sa Malampaya kung saan kalahati ng electric supply sa Luzon at sa National Capital Region (NCR) ay mula dito.

Hinamon ni PHILRECA Partylist Rep. Presley de Jesus ang gobyerno na magkaroon na ng energy independence ang bansa upang makatulong sa tuluy-tuloy na pag-unlad lalo pa’t ang Malampaya ay malaki ang papel sa pagtiyak ng suplay ng kuryente.


Sinabi naman ni APEC Partylist Rep. Sergio Dagooc na dahil sa COVID-19 pandemic, hindi na sustainable para sa Pilipinas kung aasa lamang tayo sa fuel resources ng ibang mga bansa.

Nagbabala naman si Ako Padayon Partylist Rep. Adriano Ebcas na kung hindi aaksyunan ng pamahalaan ang pagtaas ng demand at energy issues ng bansa ay tiyak na magkakaroon ng power shortage na mauuwi sa mataas na singil sa kuryente at domino effect na ito sa kabuhayan at sa ating national security.

Iminungkahi naman ni RECOBODA Partylist Rep. Godofredo Guya na palakasin ang public-private partnership para sa epektibong exploration at development sa natural gas gayundin ay para makahimok ang bansa ng mga mamumuhunan dito.

Nagpahayag naman ng kahandaan si Philippine National Oil Company President and CEO Ret. Lt. Gen. Rozzano Briguez ng kahandaan para madaliin ang development sa energy supply at exploration sa oil at gas sources para sa pagpapalawak ng Malampaya reserves.

Facebook Comments