Pagpapalawig sa MECQ sa Metro Manila, hindi na kailangan – UP expert

Hindi na kailangan pang palawigin ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) na umiiral ngayon sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Ito ang inihayag ni Dr. Guido David ng University of the Philippines (UP) OCTA Research kung saan ipinunto niya na malapit na nating ma-flatten ang curve ng COVID-19.

Ayon kay David, bumaba na ang basic reproduction number ng rehiyon sa 1.15 mula sa 1.5.


Ibig sabihin aniya nito, naging epektibo ang pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine sa pagpapabagal ng pagtaas ng bilang ng positibo sa virus.

Ipinaliwanag din ni David na kahit na nasa 6,000 pa rin ang nadaragdag ay ang iba rito ay mga backlog na.

Sa ngayon, tinitingnan na lamang kung mapapanatili ang ganitong pagbaba ng kaso kahit na ilipat na sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Paglilinaw ni David, hindi ibig sabihin na na-flatten na ang curve ay nagtagumpay na tayo sa pagsugpo sa COVID-19 pandemic.

Nanindigan din siya na posibleng umabot pa sa 200,000 ang COVID-19 cases sa katapusan ng Agosto at 300,000 sa katapusan ng Setyembre batay sa kanilang prediksyon.

Facebook Comments