Pagpapalawig sa state of calamity, dapat gamitin para paigtingin ang mga hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19

100

Suportado ni Senate Committee on Health Chairman Christopher Bong Go ang extension ng state of calamity sa Pilipinas para masiguro ang patuloy na pagsisikap na mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Pahayag ito ni Go, Kasunod ng paglalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Proclamation no. 1021 na nagpapalawig sa state of calamity mula September 13, 2020 hanggang September 12, 2021.

Umapela rin si Go sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na gamitin ang pagkakataon para mapag-aralang mabuti ang mga hakbang sa paglaban sa pagkalat ng virus at pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.

Sabi ni Go, pagkakataon din ito para ire-evaluate ng government agencies ang kanilang kapasidad, at ang mga leksyon na dulot ng pandemya.

Nanawagan din si Go sa Department of Health (DOH) na gamitin ang extension ng state of emergency para makapagplano, magpatupad at palakasin ang effort laban sa COVID-19 at iba pang banta sa kalusugan.

Binigyang diin ni Go na malaking bahagi ng laban sa COVID-19 ang contact tracing at targeted testing kaya muli niyang iginiit ang pagpasa sa Senate Bill no. 1528 na kanyang isinulong para maamyendahan ang Republic Act 11332 o mas kilalang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Inaatasan ng nasabing panukala ang DOH na bumuo ng guidelines para sa systematic reporting at recording ng mga notifiable diseases at iba pang mahahalagang development sa larangan ng kalusugan na makakaapekto sa publiko.




Facebook Comments