Pagpapalaya kay dating Senador Leila de Lima, hiniling ng isang senador matapos ang ginawang pagpapalaya ng korte kay Gigi Reyes

Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na i-apply rin kay dating Senator Leila de Lima ang ginawang pagpapalaya ngayon sa dating Chief of Staff ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes.

Nakalaya si Reyes matapos katigan ng Korte Suprema nitong Enero 17 ang ‘petition for habeas corpus’ dahil sa halos siyam na taong pagkakakulong pero wala namang paghatol o nagiging resulta ang kasong kinaharap nito kaugnay sa pork barrel scam.

Puna rito ni Pimentel, ang pinakahuling desisyon ng Korte Suprema tulad kay Reyes ay dapat na mai-apply ng pantay sa lahat ng mga Pilipinong nakararanas ng mahabang pagkakakulong dahil sa napakabagal na paggulong ng hustisya sa bansa.


Isa aniya sa candidate beneficiary ng patas na aplikasyon ng latest ruling ng Korte Suprema ay si De Lima.

Si De Lima ay nakulong mula pa noong February 2017 matapos na maisangkot sa pagtanggap ng protection money mula sa mga drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prison noong ito pa ay kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Hanggang ngayon ay hindi pa rin napatutunayan ng korte ang mga alegasyon na ito at naging mabagal din ang proseso ng kaso.

Maliban kay De Lima, iginiit pa ni Pimentel na ang parehong ‘principle’ ng pansamantalang kalayaan ni Reyes ay ibigay rin ng patas sa mga mahihirap na Pilipinong matagal na ring nasa detensyon at hindi nabibigyan ng tamang representasyon sa korte.

Binigyang-diin pa ni Pimentel na ang karapatan sa mabilis na paglilitis ng kaso ay isang constitutional right ng bawat Pilipino.

Facebook Comments