Pagpapalaya kay dating Senator De Lima, hiniling ng ilang kongresista

Lalong iginiit ng ilang mambabatas na palayain na si dating Senator Leila de Lima matapos itong ma-hostage sa loob mismo ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

 

Para kay Albay 1st District Representative Edcel Lagman, hindi sapat ang alok ni Pangulong Bongbong Marcos na mailipat lang ng kulungan si De Lima.

 

Katwiran ni Lagman, makabubuting palayain si De Lima dahil malinaw na hindi ito kayang proteksyunan ng PNP.


 

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, nakakaalarma ang nangyari kay De Lima kaya dapat na itong palayain gayundin ang iba pang political prisoners.

 

Hiniling din ni Brosas ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente kaakibat ang pagpuna sa umano’y sablay na seguridad sa custodial center at posibleng kapabayaan ng PNP.

 

Sabi naman ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, kung hindi man agad tuluyang mapalaya ay mainam na pahintulutang makapagpyansa si De Lima sa harap na rin ng pagbawi ng mga testigo ng kanilang sinumpaang pahayag ukol sa mga kinakaharap nitong kaso.

 

Umapela rin si Castro sa liderato at kasamahan sa Kamara na suportahan at iprayoridad ang House Resolution 198 na humihiling sa Department of Justice na agad bawiin ang mga natitira pang kaso laban kay De Lima.

 

Umaasa rin ang kampo ni Castro na mapabibilis na ang pagpapalaya kay De Lima sa harap ng intensyon ni PBBM na siya ay bisitahin.

Facebook Comments