Pagpapalayas sa mga POGO sa bansa, muling iginiit ng isang senador

Iginiit muli ni Senator Christopher Bong Go ang tuluyang pagpapalayas sa bansa ng mga POGO kung patuloy ang mga ito na masasangkot sa kriminalidad at mambibiktima ng mga Pilipinong manggagawa.

Sinabi ni Go na kung nagdudulot lamang ng kaguluhan sa peace and order situation ng bansa ay pabor siyang tuluyan nang i-ban ang mga POGO.

Binigyang-diin ng senador na hindi sasapat ang kakarampot na kita ng gobyerno sa POGO industry kung naglipana naman ang kriminalidad na dulot nito.


Mas dapat aniyang unahin ang pangangalaga sa kapakanan at seguridad ng mamamayang Pilipino na nagnanais lamang ng mapayapang buhay.

Sa ngayon ay dalawang rekomendasyon ang nakapending sa Senado kaugnay sa POGO operations.

Kabilang dito ang rekomendasyon ng Senate Ways and Means Committee na tuluyan nang palayasin ang mga POGO habang ang iminumungkahi ng Senate Committee on Public Order ay istriktong regulasyon lamang.

Sa pagbabalik ng sesyon ay babalangkas ang Senado ng iisang stand kaugnay sa POGO na isusumite sa Malakanyang.

Facebook Comments