Ipinakukunsidera ni Appropriations Committee Vice Chairman at Makati Rep. Luis Campos Jr., sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagpapaliban sa nakaambang implementasyon ng bagong taas-singil sa mga Automated Teller Machine (ATM).
Epektibo sa Abril 7 ay inanunsyo ng dalawang malalaking bangko sa bansa na mula P11 ay tataas na sa P18 ang kada withdrawal transactions ng mga cardholders na magwi-withdraw sa ATM ng ibang bangko salig na rin ito sa Monetary Board Resolution No. 1680.
Inaasahan naman na susunod dito ang iba pang mga bangko maliban kung ito ay sususpendihin ng BSP.
Ayon kay Campos, ang bagong charging model ng ATM ay magdudulot ng 63% na pagtaas sa mga user fees.
Iginiit ni Campos na huwag na muna itong ipatupad sa gitna ng pandemya kung saan apektado ang lahat ng pagbagsak ng ekonomiya at mataas na bilihin.
Aniya pa, kakayanin naman ng mga bangko na ipako sa kasalukuyang singil ang kanilang mga ATM transactions.
Kung tutuusin aniya ay ginagawa ng Kongreso ang lahat ng kaparaanan para lamang mabigyan ng kaluwagan ang buhay ng mga Pilipinong nahihirapan ngayon sa pandemya.