PAGPAPALIWANAGIN | COA, pinapadalo sa pagdinig tungkol sa magarbong PCSO Christmas Party

41

Manila, Philippines – Ipapatawag ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang Commission on Audit (COA) para humarap sa pagdinig ng magarbong PCSO Christmas Party na ginanap sa EDSA Shangri-La.

Bukod sa liquidation ng gastos sa Christmas party, pagpapaliwanagin ang COA kung papaano mali-liquidate ang ibinayad sa pari para sa thanksgiving mass.

Nauna rito ay sinabi ni PCSO Dir. Sandra Cam na P75,000 ang ibinayad para sa thanksgiving mass pero P16,000 lamang ang ibinigay sa pari.

Giit ni Pimentel, nilalabag nito ang COA rule kung saan ipinagbabawal sa anumang ahensya ng gobyerno na magbigay ng pera o magbayad sa simbahan.

Maliban dito, nilalabag din ng PCSO ang COA memorandum circular 1982 kung saan pinapayagan ang cash advances sa gobyerno para sa pasweldo, honorarium, at allowances pero ang cash advance para sa Christmas party ay hindi kasama dito.

Muling binigyang diin ni Cam na protesta niya ang pagbubulgar sa P10M na magarbong PCSO Christmas Party matapos niyang lumapit kay PCSO GM Alexander Balutan para idulog ang paghingi ng tulong dahil sa sunud-sunod na kalamidad at kaguluhan sa Marawi.

Nanindigan naman si Balutan na ito ay aprubado ng PCSO collegial board at nasa 6.4M lamang ang ginastos sa Christmas party mula sa preparation, hotel, pagkain, at sa pa-raffle sa mga empleyado ng ahensya.

Facebook Comments