Pinatitiyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mananagot sa ilalim ng mga umiiral na batas ang driver maging ang may ari ng 14-wheeler truck na bumundol at magresulta sa pagkamatay ng 35-anyos na traffic enforcer ng QC-Department of Public Order and Safety.
Ito ang ipinag-utos ni Mayor Belmonte kasabay ng paghahatid ng assistance at pakikiramay sa pamilya ng traffic enforcer na si Jeffrey Antolin.
Ayon kay Mayor Belmonte, nagpamalas ng katapangan at kabayanihan sa pagtupad sa tungkulin si Antolin para mailigtas ang mga taong tumatawid kahit na ang kapalit ay ang kanyang sariling buhay.
Matatandaan nitong Miyekules ng hapon, nagmamando sa daloy ng trapiko at pinatatawid ni Antolin ang mga pedestrian sa tapat ng Ayala Malls sa A. Bonifacio, Quezon City nang ito ay tumbukin ng trailer truck na hindi tumigil sa hand signal ng traffic enforcer.
Hawak na ngayon ng QC Police District Traffic Enforcement Unit ang truck driver na si Joel Dimacali na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Katwiran naman ni Dimacali, hindi umano niya napansin ang unipormadong traffic enforcer na tumalikod para i-guide ang mga taong tumatawid.