Pagpapanatili ng validity ng “travel funds” at mabilis na proseso ng “travel refunds,” isinusulong sa Kamara

Hiniling ng Makabayan Bloc sa Kamara na panatilihin ang bisa ng mga “travel funds” at bilisan din ang proseso ng “travel refunds” ng mga air passengers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa House Bill 9516 na inihain ng anim na kongresista ng Makabayan, isinusulong dito na magkaroon ng iisang proseso o pamamaraan para sa refund at rebooking ng mga airline tickets mula sa mga flights na apektado ng pandemya o kahit natural disasters.

Tinitiyak ng panukala na mapoprotektahan ang karapatan ng mga pasahero sa kabila ng mga hindi inaasahang travel restrictions.


Sa ilalim ng “Pandemic Airfare Relief Act of 2021,” ang mga pasaherong apektado ng deklarasyon ng travel ban, health emergency o natural calamity ay maaaring makapag-avail ng agarang refund, libreng rebooking o deposit sa kanilang travel fund.

Pinaglalagay rin ang mga airlines ng helpdesks na tutugon sa mga concerns o problema ng mga air passengers patungkol sa refund/rebooking.

Umaasa naman ang Makabayan sa mabilis na pagpapatibay ng inihaing panukala.

Facebook Comments