Pinamamadali ni Senator Sonny Angara ang pagsasaayos at pagpapanumbalik ng mga ‘heritage sites’ na sinira kamakailan ng magnitude 7.3 na lindol.
Maliban kasi sa pagkasawi ng sampung katao at pagkasugat ng mahigit 100, nagdulot din ng ‘damage’ o pagkasira sa imprastraktura, residential buildings at historic o heritage sites partikular sa Ilocos region ang lindol.
Ayon kay Angara, nakakadurog ng puso na makita ang pinsalang iniwan ng lindol kaya naman hindi dapat mapag-iwanan ang mga pamilya na biktima ng kalamidad sa pagbibigay sa kanila ng tulong kasama na rito ang muling pagtatayo ng mga tahanan upang agad na makabalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Iginiit ng senador na habang isinasagawa ang relief at reconstruction sa mga lugar na nilindol, marapat na sabayan din ito ng pagsasaayos sa mga historic structures upang maagapan ang tuluyang pagkasira.
Binigyang diin ni Angara na ang mga historical sites ay higit pa sa ‘landmarks’ at ‘tourist attractions’ kundi ito ay bahagi ng mayamang kultura at pamana ng bansa.
Dagdag pa ni Angara, bilang pangunahing may-akda ng Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act, mayroong nakapaloob na pondo na maaaring gamitin para sa restoration efforts sa mga nasirang heritage sites.