Nagpahayag ng pagtutol si Senator Nancy Binay sa plano ng Department of Tourism (DOT) na payagan nang muli ang pagdagsa ng mga turista mula sa mga bansang mababa ang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Binay, na siya ring Chairwoman ng Senate Tourism Committee, ito ay dahil marami pa ring bansa ang nakakaranas ng second wave ng pagkalat ng virus.
Ipinunto rin ni Binay ang kakayanan ng bansa sa pagsasagawa ng contact tracing at COVID-19 testing kung saan hindi pa hanggang sa ngayon naaabot ang 30,000 tests kada araw.
Bukod dito, dismayado rin siya sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa partikular sa Cebu City na kasalukuyang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa ngayon, iminungkahi niya ang domestic tourism para maka-rekober ang bansa sa pagbaba ng arrival rate dahil sa pandemic.