Pinatitigil ng isang kongresista sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pag-aatas sa mga online sellers na magparehistro at magbayad ng buwis.
Kaakibat ng apela na ito ang paghahain ni Quezon City Representative Precious Castelo ng House Resolution 994 kung saan pinadedefer o pinahihinto nito ang BIR sa implementasyon ng kanilang memorandum circular.
Ayon kay Castelo, hindi naman maitatanggi na biglang umangat ang e-commerce ngayong may COVID-19 pandemic dahil sa paglipat ng traditional o face-to-face selling sa online business.
Aniya, nagsulputan din ang maraming online business dahil sa takot ng mga tao na lumabas ng tahanan at makakuha ng sakit kaya ang mga online sellers ang siyang pumupuno ngayon sa pangangailangan ng publiko mula sa pagkain, medical supplies, kagamitan sa bahay at iba pa.
Karamihan pa naman aniya ng mga pumasok sa pagtitinda online ay mga manggagawa at empleyado na nawalan ng hanapbuhay bunsod na rin ng ipinatupad na community quarantine.
Inirekomenda ni Castelo na pagkatapos na lamang ng pandemya ipatupad ng BIR ang registration at pag-oobliga sa mga online business na magbayad ng kanilang mga buwis.