Hiniling ni Senator Grace Poe ang agad na pagpaparusa sa mga airport at Immigration personnel na mapapatunayang sangkot sa insidente ng ‘human smuggling’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Poe kung walang mapaparusahan at walang makakasuhan ay mas lalong lalakas ang loob ng iba na ipagpatuloy ang mga iligal na gawain sa paliparan.
Agad namang nilinaw ng senadora na hindi ito personal sa mga officers na idinadawit sa isyu ng pagpupuslit ng mga dayuhan palabas ng bansa.
Ginagawa lamang aniya ng Senado ang imbestigasyon sa isyu para protektahan ang institusyon na dapat unang pinangangalagaan ng mga airport at Immigration officers.
Sa pagdinig ng Senado, napag-alaman na relieved na sa pwesto ang Immigration officer na sangkot sa February 13 incident sa NAIA kung saan isang chartered plane papuntang Dubai ang nakaalis ng bansa na hindi man lang dumaan sa pre-flight inspection.
Inatasan din ni Poe ang paglalagay ng CCTV sa buong airport premises kasama na rito ang area kung saan matatagpuan ang mga nakaparadang chartered planes upang makita ang mga sumasakay at bumaba ng eroplano.