Pagpaparusa sa mga internet service providers kaugnay sa child pornography, iniatas sa NTC

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng ilang miyembro ng gabinete nito ang National Telecommunications Commission (NTC) na bigyang-parusa ang mga Internet Service Providers (ISPs) sa Pilipinas.

Ito kasunod ng kanilang kabiguang pigilin ang nagaganap na child pornography sa bansa.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, matapos nilang makita ang data hinggil sa kaduda-dudang transaction reports na may kaugnayan sa online sexual exploitation ay agad nilang tinawag ang pansin ng mga internet providers.


Sa ilalim ng Republic Act 9775, dapat ipaalam ng ISPs sa Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng pitong araw matapos makakuha ng mga impormasyon na nagamit ang server o facility nito sa anumang uri ng child pornography.

Habang nakasaad din sa batas ang pag-iinstall ng lahat ng ISPs ng available technology, program o software para matiyak na maba-block o ma-filter ang access o transmittal sa anumang uri ng child pornography.

Sa ngayon, sinabi ni Nograles na posibleng umabot sa milyun-milyong pisong multa at pagbawi ng lisensya na makapag-operate ang mga ISPs kapag napatunayang lumabag sa “Anti-Child Pornography Act of 2009”.

Facebook Comments