Tinawag na ‘unbelievable’ ni Vice President Leni Robredo ang hirit ni Ombudsman Samuel Martires na maparusahan ang sinumang magbibigay ng komento ukol sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, sinabi ni Robredo na taliwas ang panawagan sa mandato ng gobyerno na labanan ang korapsyon.
Imbes kasi aniya na manguna ang Ombudsman sa pag-imbestiga ay ito pa ang naging ngipin ng administrasyon para balikan ang mga pumupuna sa pamahalaan.
Kasabay nito, iginiit ng pangalawang pangulo ang responsilidad ng mga opisyal ng gobyerno na ipasa ang kanilang SALNs upang matiyak na wala ang mga itong tinatago.
Si Martires ay unang opisyal na hinirang ni Pangulong Duterte sa Supreme Court noong 2017, na agad nag-retire matapos italaga noong July 2018 bilang bagong Ombudsman.