Masyado pang maaga ang pagpapasa ng mga batas na may kaugnayan sa pagpapatupad ng mandatory vaccination ng COVID-19 vaccine sa lahat ng mga eligible na Pilipino.
Ito ang inihayag ni dating Integrated Bar of the Philippines President Atty. Domingo Cayosa kasunod ng paghahain ng panukalang House Bill no. 10249 ni San Jose del Monte City Rep. Rida Robes.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Cayosa na bagama’t may kakayahan ang Kongreso na magpasa ng ganitong batas para sa ikabubuti ng mas maraming Pilipino ay ‘untimely’ pa ito sa ngayon dahil na rin sa kakulangan natin ng supply ng COVID-19 vaccines.
Sa kabila nito, iginiit naman ni Robes na gumagawa naman ng paraan ang gobyerno para makahanap ng mga karagdagang supply ng bakuna at posible ring dumami pa ang COVID-19 vaccines na mabibigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).
Sa ilalim ng nasabing panukala, posibleng makulong o patawan ng ₱10,000 na multa ang sinumang Pilipinong hindi magpapabakuna maliban sa mga magkakaroon ng conflict sa religious belief at may medical condition na maaaring magpalala ng pagtuturok ng COVID-19 vaccine.