Pinatunayan lamang New People’s Army (NPA) ang kanilang pagiging teroristang organisasyon sa ginawa nilang pagpapasabog ng landmine nitong linggo sa Barangay Anas, Masbate City.
Ito ang sinabi ni Brigadier General Joel Alejandro Nacnac, ang Director ng AFP Center for Law of Armed Conflict, matapos mamatay sa pagpapasabog ang dalawang sibilyan at ikinasugat ng isang menor de edad.
Kaugnay nito, kinondena naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana ang pagpapasabog ng NPA na aniya ay malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law.
Nakikiramay rin si Sobejana sa pamilya ng mga nasawi at tiniyak na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga biktima dahil tuloy ang kanilang pagtugis sa mga NPA.
Samantala, inihayag naman ni PNP Chief General Guillermo Eleazar na nakasagupa ng mga pulis ang grupo ng NPA na nagpasabog ng landmine.
Naabutan ng mga rumesponding pulis ang mga tinutugis na NPA sa Barangay Mapiña Masbate.
Tumagal ng 10 minuto ang sagupaan bago nagsitakas ang mga nakalabang NPA ng mga pulis. Wala naman naiulat na casualties sa magkabilang panig.