Magsasagawa ang National Privacy Commission (NPC) ng mas malalim na imbestigasyon sa higit 100 accounts na tinanggal ng Facebook dahil sa umano’y “coordinated inauthentic behavior”.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NPC Commissioner Atty. Raymund Liboro na aalamin nila ang iba pang detalye hinggil sa mga tinanggal na accounts at kung may kinalaman ito sa mga nauna nang ipinasara ng Facebook noong Hunyo.
Nais ding malaman ng NPC kung ano ang ginagawa ng Facebook para masigurong hindi na mauulit ang kaparehong pangyayari.
Giit ni Liboro, bagama’t isang private platform ang Facebook na mayroong sariling mga polisiya, dapat din itong sumunod sa batas ng bansa gaya ng Data Privacy Act.
“Yan po ay isang pribadong kompanya na may sariling batas o polisiya. Pero gayunpaman, kailangan din po silang tumatalima sa batas natin tulad ng Data Privacy Act partikular doon sa pagsisiguro na ang mga personal data na kanilang tangan-tangan ay nagagamit sa tama o positibong paraan. So, titingnan po namin ito nang mas malalim,” ang pahayag ni Liboro.
Samantala, bukod sa mga accounts, pages at groups na iniuugnay sa Philippine military at police, kabilang rin ang page na “Hands Off Our Children” sa mga ipinasara ng Facebook.
Ito ay page na binuo ng mga magulang para proteksyunan ang mga kabataan laban sa “violent extremism” at recruitment ng mga komunista.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay, lehitimo ang naturang FB page at maituturing na “urgent” ang mga panawagang nakalahad dito.