Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi maaring i-apela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang inilabas na Cease and Desist Order ng National Telecommunications Commission o NTC laban sa ABS-CBN Corporation.
Ginawa ni Sec. Guevarra ang paglilinaw matapos lumabas ang balita na maaring baligtarin ng Presidente ang kautusan ng NTC na nagpapahinto sa operasyon ng media network.
Aniya, ang konteksto ng kanyang naunang pahayag ay dahil ang Presidente bilang Chief Executive ng bansa ang siyang may kontrol sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nasa ilalim ng executive department tulad ng NTC.
Gayunman, una na aniyang iginiit ng pangulong duterte na hindi siya manghihimasok sa inilabas na Cease and Desist Order ng NTC.
Una na ring idinepensa ng Malacañang ang mga naging aksyon ng Office of the Solicitor General at sinabing hindi rin inimpluwensiyahan ng Pangulo ang naging desisyon ng NTC.