Minaliit ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang imbestigasyong gagawin ng Kamara sa nangyaring massive flooding sa Cagayan at Isabela.
Giit ng KMP, isang band-aid solution na walang kahihinatnan ang gagawing imbestigasyon ng Kamara dahil tanging ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam ang sakop ng gagawing imbestigasyon at hindi kasama ang pag-iimbestiga sa illegal at legal logging at illegal mining operations.
Ayon kay KMP President Danilo Ramos, kung nais ng mga mambabatas na masolusyunan ang problema at hindi na maulit sa hinaharap ang sinapit sa Bagyong Ulysses ay kumprehensibong investigation in aid of legislation ang dapat nitong gawin.
Una nang nanindigan si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na ang tuluyang pagpapasara ng mga large scale destructive mining operations at pagpapahinto sa kontruksyon ng Kaliwa Dam ang syang dapat na naging aksyon ng pamahalaan sa naranasang worst flood sa loob ng 40 taon sa Cagayan.
Duda naman si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na may kahihinatnan sa bandang huli ang imbestigasyong iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo na’t ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) aniya ang nagbibigay ng permit sa mining operations lalo na sa mga nasa large scale mining.
Batay sa inihaing House resolution no. 1348 sina House Speaker Lord Allan Velasco, House Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano, nais nilang imbestigahan ang nangyaring massive flooding sa pananalasa ng Bagyong Ulysses na ikinasawi na ng 67 katao at 20 pa ang nawawala habang bilyong piso ng ari-arian at imprastraktura ang nasira